Ang Sinabi ni Chip Tao – Sa Totoo Lang

Tagalog-in na natin ito para magkaintindihan tayo ng lubus-lubusan mga kapwa Pinoy at huwag na natin isama ang mga dayuhan. Kung kahihiyan man ang kinalabasan, tayo tayo lang ang nakaka-alam.

Alam nyo, marami akong nabasang komentaryo ng mga Pinoy tungkol sa column ni Chip Tao dahil nilait raw niya ang lahing Pilipino sa pagsabi niya na ang Pinas raw ay a nation of servants at ang napansin ko, parang chorus line tayong sabay sabay na nagsisigaw na putulin ang ulo at ari ng hambog na Intsik na ito. Hindi ko na tatalakayin kung ano ang dahilan kung bakit sinabi ni Chip Tao ito dahil ang post kong ito ay hindi tungkol sa politika. Ang nais kong siyasatin ay – bakit tayo nasaktan sa sinabi niya ?

Ang unang tanong ko – sa bansa natin, ano ang tingin natin sa mga yaya at katulong? Hindi naman sa paga-ano, may pagka matapobre tayo dahil sa Pinas, ang mga katulong ay sinisuweldohan natin ng mababa sa minimum wage , walang day off, walang benefits. Sapagkat sila ay pinapakain at pinatitira natin sa mga bahay natin, parang tituturing natin na sobra sa sapat ang benepisyo na natatamo nila. Ang totoo ay sila ay parang alipin. Wala silang kinabukasan sa kanilang trabaho. Ngayon, kung ang Pinoy ay lumabas sa Pinas at naging katulong o yaya sa ibang bansa – anong kaibahan – dahil ang mga amo nila ay ibang lahi at sila ay kumikita ng dolyares? Matapobre tayo sa mga katulong sa bansa natin subalit sang-ayon tayo sa mga umalis at namamasukan sa mga estranghero – di yata’t double standard tayo ?? Ang masakit pa, mga degree holder pa ang mga umaalis at pinagmamalaki pa natin – ano ito – sobrang inferiority complex na ibinibigay natin sa estranghero ay katulong na nag-aral sa kolehiyo?

Si Chip Tao ay Asiano at sa Asia dahil sa class system, matapobre rin siya katulad natin. Ang kaibahan lang, walang namamasukan sa kanyang bansa na katulong dahil ang bansa ay mayaman at mataas ang living standards kaya kumukha sila sa ibang bansa. Kung ano ang tingin nya sa katulong -Pinoy man o Intsik- sa bansa niya ay sya rin ang pagturing natin sa mga katulong sa bansa natin. Pareho tayong matapobre kagaya niya. Gayun pa man din, saludo ako sa mga bansa na binigbigyan ng immigration papers ang mga contract workers na katulong pakagatapos ng tatlong taon na pagta-trabaho nila upang sila ay maging malaya na humanap ng ibang trabaho at umunlad at makuha ang kanilang mga pamilya. Itoy katunayan lamang na ang pagsisilbi bilang katulong ay hindi habang buhay na kontrata. May karapatan din ang tao na umunlad katulad ng iba.

Eto pa – ang mga politico natin, sugod marino at akala mo kulang na lang mag declare ng war sa bansa ni Chip Tao subalit ano ba ang nagawa nila sa bansa ? Dahil sa kanilang kasakiman at kasuwapangan, ang Pinas ay namulubi at napilitan ang mga tao na magtrabaho na katulong sa ibang bansa. Ang mga ungas na politico ay panay ang satsat subalit kulang sa gawa para sa bansa kaya walang kaunlaran ang Pinas. Etong naiisip ko – kinagagalak ng mga politico natin na magpadala ng maraming domestic helpers sa abroad para sa mga dollar remittances kahit marami ang na-aabuse ng kanilang mga amo lalong lalo na sa Middle East. Inaasahan kuno ng bansa ang remittances subalit ano ang ginagawa nitong mga unggoy na politico sa kaunlaran ng bansa natin?

Kung talagang sincere tayo sa pag ka upset sa comments ni Chip Tsao, bakit hindi natin tini-training ang mga anak natin to be domestic helpers, nannies DITO MISMO sa bansa natin? Hindi ba ang sabi ng karamihan marangal ang trabaho ng mga namasukan na katulong sa ibang bansa – bakit kaya itituturing natin ito na low class pag sa bansa natin ? Bakit inilalaan natin ang trabaho ng katulong sa mga pinakamahirap sa bansa natin? Umunlad lang ng bahagya ang buhay natin, tayo ay may katulong na sa bahay. Anong tawag natin dito – oppression ng mga mahihirap?

Sang-ayon ako na si Chip Tao ay naging insensitive sa damdamin ng Pinoy ngunit bago tayo magta-tatalak at mag ala-EDSA ulit sa issue na ito at pugutan ng ulo si Chip Tao tingnan muna natin ang mukha natin sa salamin baka tayo’y may pagkahipokrito rin na katulad niya.